Quantcast
Channel: Ranger Cabunzky's Blog
Viewing all articles
Browse latest Browse all 195

Scout Rangers: Kasagutan sa mga katanungan

$
0
0
Ang simbolo ng Philippine Scout Rangers ay ang Black Panther. Dahil wala namang Panther sa Pilipinas, ang natatagpuang Civet Cat o Musang ang nakagawiang ihinahambing sa mga Scout Rangers kaya naman sila ay nakilala sa tawag na 'Musang'. (Photo by SSg Cesar Cuenca)

Sa dami ng queries na nakatambak sa aking inbox tungkol sa Scout Rangers, marapatin kong ipaliwanag ang mga bagay na karaniwang hindi naipapaliwanag at nagdudulot ng kalituhan. 

Halimbawa, maraming aplikante ng Candidate Soldier Course and nagtatanong paano magiging Scout Ranger. Eh, hindi po pwedeng mag-Scout Ranger ang isang sibilyan kundi mga regular na sundalo lamang. Katunayan, bago matanggap sa kurso ng Scout Ranger Course ay required na dapat 3 taon na ang aplikante sa active military service, maliban pa sa napakahaba pang listahan ng basic requirements. 

Tila, hindi naiintindihan ng karamihan ang kaibahan ng Scout Ranger bilang kurso, bilang sundalong graduate nito at ang yunit ng mga Scout Rangers. Magulo ba? Actually, hindi naman maliban kung magulo kang mag-isip. 

First Scout Ranger Regiment

Okay, simulan natin para maging maliwanag ha. Unahin natin ang yunit na tinatawag na First Scout Ranger Regiment o FSRR. Ang yunit na ito ay kasalukuyang naka-base sa Camp Tecson, San Miguel, Bulacan. Ito ay isa sa tatlong units na kabilang sa Special Operations Command (SOCOM) ng Philippine Army. Ito ay binubuo ng mga Scout Ranger Companies na under naman sa apat na Scout Ranger battalions na nakadestino sa iba't-ibang sulok sa kapuluan.

Ang FSRR ay ang yunit na kinabibilangan ng mga organic personnel na Scout Rangers. Ang Musang patch sa kanilang balikat ang palatandaan na sila ay miyembro sa FSRR.

Ang FSRR ay yunit na kinabibilangan ng mga sundalo na Scout Ranger graduates at maging non-SR qualified. Kasama sa mga non-graduates ay ang mga support personnel kagaya ng taga Medical Company, iilan  sa mga mekaniko at driver, at mga IT personnel. Lahat na mga female soldiers na naka-assigned dito ay non-Ranger qualified. Wala pang babae ang pinag-undergo ng regular course ng Scout Ranger sa napaka-obvious na rason. 

Ang mga sundalo lalo na yong mga officers at NCOs na hindi nakaka-graduate ng SR Course ay hindi mabibigyan ng leadership position. Ah, baka di mo alam na ang SR course ay combat leadership course at hindi lang ito palakasan tumakbo at patigasan ng apog! 

Actually, ang mas importanteng natutunan sa kurso ay ang techniques, tactics and procedures (TTPs) sa patrolling missions, at pati ang mga specialized skills na hindi itinuturo sa ordinary infantryman. 

Paano ka nga naman mamuno ng mga Rangers sa combat patrols ng isang Ranger unit kung hindi ka naman pala Ranger qualified? Di ba parehas yon sa papayagan mong magpiloto sa eroplano ang hindi graduate ng flying school? Dahil dyan, kapag natitigok ang opisyal o EP sa SR Course, alam na nyang malabo ang kanyang chance na magiging unit leader sa FSRR. Kalimitan ay iyong mga newly assigned na 2LTs at mga Privates lamang ang mga non-Rangers na makikita na nagpapatrol sa SR companies.

Para maging maliwanag, ang dapat tawaging Scout Ranger ay iyon lamang sundalo na naka-graduate sa regular course. Kung non-Ranger qualified o hindi SR course graduate pero organic sa FSRR, hindi pa rin sya pwedeng tawaging Scout Ranger kundi FSRR assigned o 'organic personnel' lamang. 

Ating tandaan, ang Musang patch na nasa balikat ng uniporme ay sinusuot ng lahat na organic personnel at hindi ito ang qualification ng pagiging Scout Ranger qualified personnel. Kahit nakatapos ka ng SR course ngunit hindi ka miyembro ng FSRR, hindi ka dapat mag-suot ng Musang patch maliban na lang kung ikaw ay assigned sa mismong First Scout Ranger Regiment. 

Ang SRDU ay ang ipinalit sa 'Black Fatigue' uniform ng mga Musang. Ang Black Panther na nasa larawan ay syang simbolo ng mga Scout Rangers. (Photo by Cpl Marlon San Esteban)

Ang palatandaan na ang isang sundalo ay graduate ng SR course at authorized na magsuot ng mga patches na ito ay ang SCOUT RANGER tab (nasa larawan, sa itaas ng AIRBORNE tab), at ang Tabak (knife) na kinakabit sa dibdib ng uniporme. Ang ibig sabihin, pares iyan na makukuha ng sundalo na magpapawis at makatapos sa SR training. 

Ang Tabak na nasa bulsa (left pocket) at ang Scout Ranger tab (nasa itaas ng Airborne tab) ang syang patches na pwedeng suutin ng mga nagsipagtapos ng Scout Ranger Course. (Photo by Rico Laurel)

Eh, papaano raw pag graduate ng Scout Ranger Orientation Course? Sa totoo lang, wala silang patches na pwedeng suutin. Imbento lang yon ng mga ignoranteng sundalo na kung SROC graduate ay authorized diumano magsuot ng tab na 'RANGER', eh iyan ang isinusuot ng mga graduate ng U.S. Ranger Course! (Lalong hindi nila pwedeng suotin yon dahil maging mga Scout Rangers ay hindi pwedeng magkabit noon, except sa mga nakapagtapos ng US Ranger Course sa Fort Benning, Georgia). Naguluhan ka ba o naliwanagan? 

Scout Ranger Training School (SRTS)

Ang training institution ng FSRR ay ang SRTS na syang nangangasiwa sa iba't-ibang kurso kagaya ng Scout Ranger Course, Scout Sniper Course, Scout Ranger Orientation Course, PT Trainers Course at maging Candidate Soldier Course. 

Ang SR course ay open din sa mga non-organic personnel kagaya ng mga taga Special Forces Regiment Airborne (SFRA), Light Reaction Regiment (LRR), Infantry Divisions, PNP SAF at NAVSOG. Dahil dyan, merong mga Scout Ranger qualified personnel na hindi naman organic sa First Scout Ranger Regiment.

Ang Candidate Soldier Course (CSC) ay pre-entry training ng mga sundalo. Dahil authorized ang SRTS na mag-conduct ng training na ito, ang CSC ay isa sa mga kurso na ginagawa para sa mga organic personnel ng FSRR every year. 

So, kung ikaw ay aplikante at sa FSRR ka mag CSC, automatic, magiging organic member ka ng unit na ito. Pero, hindi ka pa Scout Ranger nyan! After 2-3 years exposure sa line unit, ipapadala ka ng iyong unit commander sa SRTS para mag-undergo ng iilang buwang training at magiging ganap na Scout Ranger o Musang.  Klaro na?

 Black Suit vs Scout Ranger Distinctive Uniform (SRDU) 

Ang traditional na 'formal' attire ng organic members ng First Scout Ranger Regiment ay ang Black Suit na kilala rin sa tawag na 'Black Fatigue'. 

Noong 1980s, nakagawiang gamitin sa combat patrols ang Black Suit sa paniniwala ng ibang Scout Rangers na ito ay ang pinakamagandang night camouflage. Siguro, naimpluwensyahan din sila sa kulay ng Black Panther na syang simbolo ng mga 'Musang', although obvious naman na ang Panther ay iba sa Musang (Civet Cat).

Maraming rason kung bakit nawawala ang interes ng mga Musang sa Black Fatigue na uniporme. Unang-una, kung sinu-sino na lang gumagaya sa pagsusuot nito kasama na ang K9 unit, PNP Swat, Security Guard at maging MILF! Pangalawa, napatunayan na hindi ito ang mabisang night camouflage. Kitang-kita ang outline ng sundalo na nagsusuot nito sa gabi, lalo na kung gamitan ng NVG. Pangatlo, ang init ng kulay na itim kung sa araw mo ito suutin. Pang-apat, hindi naman ito akma na gamitin sa combat patrols kundi ang camouflaged uniform o yong Battle Dress Attire (BDA).

Noong ako ay Company Commander ng 10th Scout Ranger Company, isinusuot lamang namin ang Black Suit tuwing may bisita sa kampo. Ang BDA pa rin ang aming isinusuot tuwing combat patrols. (10SRC photo)






Viewing all articles
Browse latest Browse all 195

Trending Articles